Lumagda ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ng Memorandum of Agreement sa AMA Online Education bilang official information technology partner para sa monitoring ng Quick Count ng transparency server sa May 9, 2022 elections.
Ito na ang ikalimang eleksyon na nag-partner ang PPCRV at AMA.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni PPCRV Chairperson Myla Villanueva, makakatuwang nila ang AMA sa gagawing matching ng election returns mula sa 106,000 na presinto.
Ito’y sa pamamagitan ng encoding ng resulta ng botohan at ikukumpara naman sa nai-transmit ng Vote Counting Machines (VCMs) upang mabantayan ang dagdag-bawas.
Ayon naman kay AMA- Education System Chairman Dr. Amable Aguiluz, magtatalaga ang AMA ng mga tech personnel at computers sa PPCRV command center.
Magde-deploy rin sila ng libo-libong student volunteers para kumuha ng election returns para sa PPCRV.
Tutulong din ang volunteers sa pagmo-monitor ng mga elections-related violence.