Mahalaga ang mga debate upang makilatis maigi ng mga botante ang iboboto nilang mga lider sa nalalapit na May, 2022 elections.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Chairman Emeritus, Ambassador Henrietta de Villa na mainam at mayroon na ngayong mga debate kung saan nasasagot ng mga tatakbong kandidato ang mga napapanahong usapin at nalalaman ng taumbayan ang kanilang adhikain, plano at plataporma.
Ayon kay De Villa, sa paglahok ng mga kandidato sa debate, mararamdaman ng publiko ang kanilang sinseridad sa bawat usapin na may epekto sa buhay ng bawat Pilipino.
Kasunod nito, hinihimok ng PPCRV ang mga sasabak sa halalan lalo na ang presidentiables at vice presidentiables na sumali sa mga debate upang lalo pa silang makilala ng publiko.
Giit nito, kung wala namang itinatago ang kandidato ay bakit ito matatakot na makiisa sa debate.
Ang PPCRV ay isang accredited citizens arm ng Commission on Elections na layuning bantayan ang halalan para sa isang fair, honest at credible election.