DAGUPAN CITY – Nakahanda na rin ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting Lingayen-Dagupan para sa nalalapit na halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre a-trenta.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan Kay Janice Hebron, executive secretary ng PPCRV Lingayen-Dagupan na sa kabila ng patuloy pa rin nilang recruitment ay nakahanda na ang kanilang hanay para umagapay, tumulong at magbigay ng serbisyo sa mga botante.
Ayon pa kay Hebron, ang huling araw ng recruitment ay sa October 7, 2023 kung saan target na magkaroon lahat ng voting centers at polling precincts sa bawat barangay na sakop ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan ng tinatayang 4, 000-5, 000 na volunteers upang maging volunteer poll watcher sa halalan.
Dagdag pa nito na patuloy din ang isinasagawa nilang voter’s education sa mga parokya na sakop pa rin ng Archdiocese upang bigyang linaw ang mga botante sa tamang pagboto ng mga kandidato sa kanilang lugar.
Samantala, ang PPCRV ay isang non-partisan, non-sectarian non-profit na organisasyong kaanib ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas na nagsisikap na matiyak ang libre, patas at walang pandaraya na halalan. Itinuturing ang organisasyon bilang “citizens arm” ng COMELEC mula noong 2010.
Lagi din aniyang nakaantabay ang PPCRV sa pagtataguyod ng integridad ng boto ng bawat Pilipino. | ifmnews
Facebook Comments