Nasa kalahating milyong volunteers ang kinakailangan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa pagbabantay sa may 9 elections.
Ayon kay PPCRV Chairperson Myla Villanueva, sa kasalukuyan ay meron pa lamang silang 300,000 volunteers at aminado siyang kulang na kulang pa ito.
Kasunod nito, nanawagan si Villanueva sa mga nais magvolunteer na magpunta lamang sa mga parokya na nakakasakop sa kanilang lugar.
Malaking bagay aniya ang pakikiisa ng bawat Pilipino lalo na kung pagod na sila sa sistema ng pulitika.
Para sa mga nais lumahok, kinakailangang nasa 18 taong gulang na sila pataas at dapat ay fully vaccinated na kontra COVID-19.
Bukod sa pagbabantay sa polling centers, mayroon ding mga nagluluto at nagbibigay ng mga kinakailangan para sa kapwa volunteers na nasa mga voter’s assistance desk.