Tiwala si Senator Sonny Angara na kapag nagawa ng wasto ang Public-Private Partnerships (PPP) ay parehong panalo rito ang mga benepisyaryo ng lokal na pamahalaan at ang ka-partner na pribadong sektor.
Kaugnay ito ng pagsuporta ng senador sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos na magkaisa ang mga Local Government Units (LGUs) at private sector sa pagpapabuti ng mga proyekto na pakikinabangan ng mga constituents.
Ayon kay Angara, Chairman ng Committee on Finance, ang PPP ay isang magandang paraan ngayong panahon na ang koleksyon ng gobyerno ay mababa at ang ekonomiya ay patuloy pang bumabangon mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Kumpiyansa ang senador na ang mga ganitong proyekto ay makakalikha ng trabaho at magpapasigla sa ating economic activity.
Inihalimbawa ng senador ang 25 taong lease agreement ng isang pribadong kumpanya sa lokal na pamahalaan ng Iloilo City para sa redevelopment ng dalawang palengke na pakikinabangan ng nasa 2,800 markets vendors.
Ang nasabing proyekto ay pinaglaanan ng private sector ng ₱3-Billion habang ang pangangasiwa dito ay mananatili naman sa LGU sa ilalim ng local economic enterprise office.