
Iginiit ni Kamanggagawa Party-list Representative Elijah “Eli” San Fernando na maparusahan ang public relations (PR) at advertising agencies gayundin ang mga artista na patuloy na nagpo-promote ng online gambling.
Bukod dito ay pinapatanggal din ni San Fernando ang mga malalaking billboard at advertisement sa social media at telebisyon patungkol sa online gambling.
Ayon kay San Fernando, walang saysay ang paglilinis ng payment channels kung tuloy-tuloy pa ring ini-engganyo ang publiko na magsugal.
Paliwanag ni San Fernando, kapag artista o influencer ang nag-eendorso, ay nagpapadala ito ng maling mensahe na ang pagsusugal ay isang simpleng libangan lamang, kahit ang totoo ay winawasak nito ang mga buhay at pamilya.
Giit pa ni San Fernando, ang walang habas na promotion ng e-sugal ay hindi dapat gawing normal sa mass media o digital media, lalo na kung ang target ay kabataan at vulnerable sector.









