Umamin si dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” dela Rosa na tumatanggap ng “regalo” noong pulis pa lamang siya, sa katwirang parte na raw ito ng kulturang Pilipino.
“Praktikal na tao lang si Presidente at ako ay praktikal din. Inaamin ko tumanggap din ako noon,” ani Dela Rosa sa isang panayam sa radyo, Lunes, Agosto 12.
Pagsuporta ito ng senador sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang mali kung tatanggap ng “regalo” ang kapulisan mula sa mga nagpapasalamat sa kanilang trabaho.
Para kay Dela Rosa, “maliit na bagay para pagtuunan ng atensyon” ang sinabi ng pangulo.
“Maliit na bagay ang regalo, it is happening anywhere, everywhere. Nasa kultura natin ‘yan e,” aniya.
Sinabi pa ng senador na pagiging “ipokrito” ang hindi niya pagtanggap sa regalong ibinibigay sa kanya.
“Anong gagawin ko? Sabihin ko hindi po hindi namin kakain bawal po ‘yan. Napaka-ipokrito ko ‘pag sinabi kong hindi ko tinanggap,” ani Dela Rosa sa lechon na ibinigay daw sa kanila noong may nasagip silang biktima ng kidnapping.
Naikuwento niya rin ang isang pagkakataong may nalutas silang kaso ng pagnanakaw kunsaan nagtungo sa kanilang opisina ang biktima at nag-alok na palitan ang sirang office printer.
“Hindi ‘yan hinihingi ng pulis, kusang binibigay at tulong sa trabaho ng pulis bakit hindi namin tanggapin,” giit ng senador.
Inamin niya rin ang pagtanggap ng mga mamahaling bagay gaya ng Lacoste na t-shirt at relo na binili ng kaibigan niya mula sa United States.
Gayunpaman, binalaan niya ang kapulisan na maging maingat sa pagtanggap at siguraduhing walang “conflict of interest.”
“Very clear sa akin ‘yung batas sa Anti-Graft na bawal tumanggap ng regalo dahil ang spirit ng batas is para hindi magkaroon ng conflict of interest, hindi magamit ang pwesto sa pangungurakot. Later on babalikan ka nyan at hingan pa ng pabor baka hindi ka na makahindi,” pagpapatungkol niya sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“Pero ‘yung natulungan mo, pinapakain ka bakit mo masamain. Nasa kultura natin ‘yan. Hindi ako ipokrito,” dagdag niya.
Ibang usapan na rin daw kung galing sa taong sangkot sa iligal na aktibidad ang tatanggaping regalo.
Nitong Sabado lamang nang magpahayag si Senador Panfilo Lacson, dati ring PNP chief, na sa pagtanggap ng regalo nagsisimula ang kasakiman ng pulisya.
“Mr. President, insatiable greed starts with simple, petty graft. It could be more addicting than drugs. There is no detox, nor is there rehab facility available for addiction to money,” ani Lacson sa Twitter, kasunod ng pahayag ni Duterte.