Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magpatupad ng Government Energy Management Program (GEMP) na nagsusulong ng praktikal na pagkonsumo ng enerhiya.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 15, ang lahat ng national government agency kabilang ang government owned and controlled corporations (GOCC) na gawin ang lahat sa pagpapatupad ng mga solusyon na binuo ng GEMP at inter-agency energy efficient and conservation committee.
Kabilang dito ang pagsasagawa ng energy audit at random energy spot check mula sa certified energy auditors.
Pinagsusumite rin ang mga ahensiya ng pamahalaan ng imbentaryo ng mga kagamitang kumokonsumo ng mga enerhiya.
Kaugnay nito, pinatitiyak rin ni Pangulong Marcos Jr. ang pagsunod sa mga panuntunan sa Department of Energy (DOE) at pag-adopt sa low cost energy measures.
Kasama rin sa mga kautusan ni Pangulong Marcos Jr. sa mga ahensiya at tanggapan ng gobyerno na magtalaga ng taong magbabantay ng konsumo nila ng enerhiya at siya rin ang magpapasa ng ulat nito sa DOE.
Ipinag-utos rin ng pangulo sa DOE na makipagtulungan sa Presidential Communications Office (PCO) para maipaabot sa mga tanggapan ng gobyerno ang mga hakbang sa praktikal na paggamit ng enerhiya.