Prangkisa ng ABS-CBN, dapat desisyunan na ayon sa isang kongresista

Pinagdedesisyon na ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza ang House Committee on Legislative Franchises sa aplikasyon ng ABS-CBN Corporation para sa panibagong prangkisa.

Giit ni Atienza, ang pagbabad sa pagdinig ng komite para talakayin kung bibigyan ng prangkisa ang giant network ay malaking pagsasayang ng pera at panahon.

Hinihimok ng mambabatas partikular si Legislative Franchises Chairman Franz Alvarez na aksyunan at tapusin na ang pagdinig dahil tapos nang natalakay ang mga mahahalagang isyu na kinakaharap ng ABS-CBN.


Sa interpelasyon pa ng kongresista, sinabi nito na narinig na ng lahat ang mga argumento ng magkabilang panig partikular na ang isyu kung may nilabag ba sa Konstitusyon ang broadcast company.

Binigyang diin pa ni Atienza, na ngayong may pandemic ay dapat na mas pina-prayoridad ang mga pangangailangan para sa nalalapit na pasukan ng mga estudyante para sa kanilang distance at blended learning.

Facebook Comments