Prangkisa ng ABS-CBN, wala pa ring linaw

Nakabitin pa rin ang prangkisa para sa ABS-CBN sa ika-apat na pagdinig ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability.

Umikot ang buong pagdinig sa legalidad ng pagmamay-ari ng broadcast company ng isang dual citizen tulad ni ABS-CBN Chairman Emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III.

Mahigpit kasing sinasabi sa probisyon ng Konstitusyon na ang pagmamay-ari ng mass media ay limitado lamang sa mga Pilipino.


Ipinunto ni Cavite Rep. Boying Remulla na mapanganib din sa national interest ang dual allegiance.

Inusisa rin nito ang travel records ni Lopez kung saan lumalabas na mas ginagamit nito ang kanyang U.S. passport kaysa Philippine passport na kinuha lamang noong 2001.

Binigyang diin ng kongresista na tuwing gamit ni Lopez ang kanyang US passport ay nangangahulugan ito na nasa ilalim siya ng proteksyon ng gobyerno ng Amerika.

Mistulang inamin naman ni Lopez sa pagtatanong ni DUMPER Rep. Claudine Bautista na ginagamit niya ang kanyang US passport sa mga lugar na convenient maging Amerikano kaysa Pilipino gaya ng Europa kung saan hindi kailangan ng visa kapag bumibiyahe ang isang American citizen.

Facebook Comments