Ipinangako ni dating Philippine National Police (PNP) Chief at Partido Reporma senatorial candidate Guillermo Eleazar na tututukan niya ang pagpapalakas ng kapabilidad ng mga law enforcement agency sakaling manalo sa darating na halalan.
Ito ang pahayag ni Eleazar matapos na tanungin kung pabor ba siya sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa insidente ng pagkawala ng maraming sabungero.
Ayon kay Eleazar, suportado niya ang imbestigasyon pero dapat na palakasin pa rin ang kapabilidad ng law enforcement agencies para maiwasan ang mga ganitong uri ng krimen.
Aniya, dapat na rebisahin o pag-aralan ang prangkisa ng e-sabong matapos ang nasabing insidente.
Giit pa ni Eleazar, dapat na lagyan ng matibay na regulasyon ang e-sabong upang mabigyan ng proteksyon ang mga stakeholders at mga kliyente nito.