Manila, Philippines – Pinagtibay ng Kongreso ang “validity” ng prangkisa ng tinaguriang “third telco” sa bansa, ang Mislatel.
Sa pagdinig sa Senado nitong Miyerkules ay binalikan ang mga reglamento na tinupad ng Mislatel kabilang na dito ang pagsunod sa mahigpit na post-qualification screening ng National Telecommunications Commission (NTC) kasabay ng mga pagdinig sa Kongreso kung saan doon ay kinumpirma ng NTC ang validity at pag-iral ng Republic Act 8627 na may titulong “An Act Granting the Mindanao Islamic Telephone Company Inc., a Franchise to Construct, Establish, Install, Maintain and Operate Wire and/or Wireless Telecommunications Systems in the Philippines.”
Matatandaan na noong November 13, 2018 ay kinumpirma ni House of Representatives Committee on Legislative Franchises Chairperson Franz “Chicoy” E. Alvarez ang validity ng prangkisa Mislatel sa pagsasabing wala pang natatanggap ang kanyang komite na anumang notice of a judgment mula sa alinmang judicial o quasi-judicial body na nagpapawalang-bisa o nagkakansela sa prangkisa ng Mislatel.
“MISLATEL’s franchise remains valid and subsisting,” saad ni Alvarez sa kanyang sulat, taliwas sa paggiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang prangkisa nito ay isa nang “ipso facto revoked”.
Ipinunto rin ng tagapagsalita ng Mislatel na si Atty. Adel Tamano, na ang naturang isyu ay matagal nang naresolba ng Korte Suprema sa kasong may kaugnayan sa Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) v. NTC (G.R. No. 88404) noong 1990.
Nakasaad sa desisyon ng SC “determination of the right to the exercise of a franchise or whether the right to enjoy such privilege has been forfeited by non-user, is more properly the subject of the prerogative writ of quo warranto.”
Sinang-ayunan naman ng Office of the Solicitor General (OSG) ang pahayag ni Tamano na ang prangkisa ay maari lamang ipawalang-saysay sa pamamagitan ng Quo warranto proceeding.
Una na ring siniguro sa pagdinig sa Senado ng negosyanteng si Dennis Uy — ng Udenna Corporation and Chelsea Logistics Holdings Corporation at nakipag-partner sa state-owned China Telecommunications Corporation para sa Mislatel consortium — na hindi nila iniwasan ang mga alintuntunin ng batas.
“Kami po ay dumaan sa butas ng karayom hanggang mapili po kami ng National Telecommunications Commission bilang new major player sa telecommunications sector (We went through the eye of the needle until we were chosen by the National Telecommunications Commission as the new major player in the telecommunications sector),” ayon kay Uy.
Sa pagtatapos ng pagdinig, sinabi naman ni Senator Grace Poe na magdedesisyon ang Senado sa plenaryo sa kasasapitan ng Mislatel.
Tinanggap naman ni Poe ang rekomendasyon ni Senator Juan Miguel Zubiri na hindi na kailangan pang balikan o amiyendahan ang probisyon ng Franchise law.