Tinawag na malaking parusa ng isang commuters group sa mga daily commuters na galing sa malalapit na probinsya ang tuluyang ban sa mga provincial buses na magbaba, magsakay at kalaunan ay tuluyang ipagbawal nang magterminal sa Edsa.
Ayon kay dating LTFRB Board Member at Lawyers for Commuters Safety and Protection o LCSP Founding President Atty Ariel Inton, dapat ireview muna ng gubyerno ang ibinigay na prangkisa sa mga provincial buses dahil ilan na sa mga ito ay nagseserbisyo sa mga nagtatrabaho sa Metro Manila na nakatira sa karatig probinsya gaya ng Cavite, Laguna sa South at Bulacan Pampanga Tarlac sa Norte.
Ginawang halimbwa ni Atty Inton ang Baliwag Bus na nagsasakay ng daily commuters pero ang prangkisa ay provincial.
Hindi aniya ito makatwiran sa mga daily commuters na nagpursige na huwag nang manirahan sa masikip nang metropolis pero peperwisyuhin din pala ng gubyerno pagpasok nito sa trabaho sa araw araw.
Kabilang din aniya sa mga daily commuters ay ang mga relocatees sa San Jose Del Monte Bulacan na nagtatrabaho din sa Metro Manila.
Iminungkahi ng LCSP na konsultahin muna ang lahat ng stakeholders dahil batay sa record ng MMDA nasa siyam na porsiyento lamang ang bilang ng mga provincial buses sa kabuuang mga sasakyan na dumadaan sa edsa at marami sa mga ito ay mga daily commuters.