Prank callers sa E-911 hotline, tiyak na paparusahan

Siniguro ni Department of the Interior and Local Government o DILG Sec. Benhur Abalos Jr., na mapapanagot ang prank callers sa inilunsad na E-911 service emergency hotline ng pamahalaan.

Ayon kay Abalos, gumagamit kasi ng Artificial Intelligence Technology ang sistemang ginagamit ngayon sa E-911 hotline kung kaya’t madali nang matutukoy kung sino ang tumatawag at malalaman din ang lokasyon ng prank caller.

Ani Abalos, kaya ring matukoy kahit mga drop call o missed call kumpara sa dating sistema na mano-mano.


Ang mapapatunayang nagpa-prank call ay maparurusahan sa ilalim ng PD 1727 kung saan maaaring makulong ng hanggang limang taon ang suspek at penalty na aabot sa P40,000.

Samantala, sinabi naman ni Bernard Delos Santos ng Emergency 911 National Call center na mula sa 50,000 na prank calls dati ay nabawasan na ito ng 30% hanggang 40%.

Nitong Hulyo aniya ay nakatanggap sila ng 700 legit emergency calls kung saan 348 dito ang maihahanay sa significant incident tulad ng sunog at saving life calls.

Facebook Comments