PRC at Metro Manila mayors, magsasanib-pwersa sa pagtatayo ng isolation centers

Nakatakdang magtayo ng mga karagdang isolation centers sa Metro Manila ang Philippine Red Cross.

Sa harap ito ng napupuno nang kapasidad ng mga ospital sa National Capital Region dahil sa dami ng mga pasyenteng tinatamaan ng COVID-19.

Ayon kay PRC chairman at Senador Richard Gordon, makakatuwang nila sa pagtatayo ng mga isolation facilities ang NCR mayors.


Itatayo ito sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa ilalim ng hurisdiksyon ng iba’t ibang local government units (LGUs).

Kabilang sa mga iminungkahi ng PRC ay ang paglalagay ng isolation beds, supplementary hot meals at shower rooms para sa pang-araw-araw na hygiene needs ng mga pasyente.

Maglalagay din sila ng ambulansya na gagamitin sa paglilipat sa ospital ng pasyenteng makararanas ng moderate hanggang severe symptoms ng COVID-19 habang nasa isolation center.

Sa kabilang banda, inaasahan na makikipag-coordinate ang mga LGU sa operasyon ng mga nasabing pasilidad, magtatalaga ng security personnel, regular na maghahatid ng masusustansyang pagkain, magsasagawa ng contact tracing at makikipag-ugnayan sa mga local government hospitals para sa agarang pagko-confine sa mga pasyenteng ililipat mula sa isolation facilities.

Nagpasalamat naman sa PRC si MMDA Chairman Benhur Abalos at ang mga alkalde dahil sa patuloy na suporta nito sa paglaban sa COVID-19.

Facebook Comments