Pumirma sa isang kasunduan ang Philippine Red Cross at University of the Philippines College of Medicine Manila para sa pagkakaloob ng scholarship sa walong estudyante.
Mismong sina PRC Chairman and CEO Richard Gordon at UP College of Medicine Dr. Charlotte Chiong kasama ang ilang opisyal ang nanguna sa nasabing aktibidad.
Nabatid na ang mga nasabing estudyante mula sa Doctor of Medicine-Master Public Health double degree program ay pagkakaloob ng PRC ng libreng tuition fees, student and laboratory fees, miscellanous fees at living allowances.
Layunin ng naturang hakbang ng PRC ay para masuportahan ang mga estudyante na nais maging doktor at paraan na rin ito upang mapalakas pa ang healthcare system ng bansa.
Ayon kay Gordon, batid niya ang kakulangan ng mga doktor sa bansa kung kaya’t sa ganitong paraan ay makatulong ang PRC na dumami pa ang bilang ng mga doktor at matugunan ang problema sa isyu ng pangkalusugan.
Umaasa si Gordon na makasasama rin nila ang mga doktor na binigyan nila ng scholar sa pagtulong sa mga nangangailangan sakaling magkaroon ng kalamidad, sakuna o mga hindi inaasahang insidente.
Nabatid na ito na ang ikalawang batch ng scholarship grant na ipinagkaloob ng PRC sa piling estudyante ng UP College of Medicine kung saan may nauna nang 12 estudyante ang kanilang nasuportahan.