Walang probisyon sa Philippine Nursing Act of 2002 na nagpapahintulot ng pagpapalabas ng temporary licenses sa mga nursing graduate na hindi pa nakapasa sa Nursing Licensure Examination (NLE).
Binigyang diin ito ni Professional Regulations Commission Commissioner Jose Cueto Jr., sa harap ng isinusulong na mungkahi ni Health Secretary Ted Herbosa na kumuha ng serbisyo ng mga hindi pa lisensiyadong nursing graduate sa mga ospital ng gobyerno.
Paliwanag ni Cueto, kailangan munang maamyendahan ang probisyon ng batas bago ito papayagan ng PRC.
Una rito ay sinabi ni Herbosa na nais niya sana kuhanin sa mga ospital ng gobyerno ang serbisyo ng nursing graduates na bumagsak sa licensure exam o may score na 70 hanggang 74 percent para makatulong na mapunuan ang 4500 na bakanteng posisyon o plantilla items sa mahigit 70 mga ospital ng gobyerno.