PRC, itinigil muna ang pagtanggap ng COVID-19 swab test na pinondohan ng PhilHealth

Umaabot na sa halos isang bilyong piso ang outstanding balance ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaya napagpasyan ng Philippine Red Cross (PRC) na itigil muna ang pagtanggap ng COVID-19 swab test na pinondohan ng naturang ahensiya.

Ginawa ng PRC ang naturang hakbang dahil na rin sa tumataas na outstanding balance ng PhilHealth na umabot na sa ₱930,933,000 kung saan kabilang sa mga hindi na muna tatanggapin ng PRC ay ang mga specimen ng mga OFW na dumarating sa seaport at airport, frontliner, government workers, mga indibidwal sa mga mega swabbing facility, Local Government Units, health workers at iba pa na kasama sa Expanding Testing Guidelines ng Department of Health (DOH).

Paliwanag ng PRC, tinapos na lamang kahapon ang natitirang specimen na naka-charge sa PhilHealth.


Dagdag pa ng PRC na ang tatanggapin na lamang na specimen ay mga pribadong organisasyon o kompanya, mga nag-book sa Philippine Red Cross helpline at online, mga LGU na may laboratory agreement sa PRC.

Giit pa ng PRC na hindi madali ang kanilang naging hakbang pero kinakailangan ng ahensiya na ipabatid na hindi unlimited ang kanilang resources gaya ng test kits at iba pang gamit sa kanilang laboratory.

Facebook Comments