Maglalagay pa ng mga karagdagang portalets ang Philippine Red Cross (PRC) sa mga liblib na lugar sa North Cotabato para magamit ng mga evacuees na biktima ng magkakasunod na lindol kamakailan.
Bukod pa ang paglalagay din ng basic health care unit na tutugon sa problemang pangkalusugan sa Kidapawan City.
Sa kabuuan prayoridad pa rin ng PRC ang pag-supply ng malinis at ligtas na inuming tubig at sanitation facilities para sa mga pamilya sa North Cotabato at Davao del Sur.
Sa ngayon may 422 volunteers at staff ng Red Cross at Red Cross Youth ang nagbibigay ng first aid sa 8 first aid Stations sa Kidapawan City, Davao del Sur at General Santos City at 15 pang welfare desks.
Naka-deploy pa rin sa lugar ang 5 water tankers ng PRC at 20 water bladders mula sa General Santos-Saranggani, Davao City, Leyte, Cebu at Agusan del Sur .
Gayundin ang 2 water treatment units mula sa North Cotabato at Davao del Sur at mga ambulansiya ng Red Cross.
Mula October 16, nasa 30,687 families o 153,435 individuals mula sa 15 munisipalidad at siyudad at 7 lalawigan ang apektado ng lindol.