Naglabas ng mga “Safety Tips” ang Philippine Red Cross o PRC para manatiling ligtas ang sarili sa gitna ng maraming tao sa inaasahan pagdagsa ng mga deboto sa Kapistahan ng Poong itim na Nazareno sa Maynila sa darating na Huwebes January 9, 2025.
Ayon sa PRC, ang mga dadalo sa prusisyon ay dapat una, huwag makipag-unahan sa pagpasok ng gate upang maiwasan ang tulakan at posibleng magdulot ng aksidente.
Pangalawa, dapat alam ng publiko ang exit points habang nasa loob ng activity area gayundin ang security at first aid stations para sa anumang kinakailangang tulong sakaling magkaroon ng hindi inaasahang disgrasya.
Dagdag pa ng PRC na kung sakaling napasama naman sa malaking crowd na naglalakad, dapat maglakad din sa parehong bilis ng karamihan.
Pinayuhan pa ng PRC ang mga deboto na sa sandaling masaktan o ma-injured, kailangan malapatan agad ng lunas sa lalong madaling panahon at lumapit sa mga ambulansa na naka-standby sa mga dadaanan ng prusisyon.
Puspusan na ngayon ang paghahanda ng mga kinauukulan para sa maayos at ligtas na Traslacion ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.