Nagpadala na ng assets at tauhan ang Philippine Red Cross sa mga probinsyang apektado ng Bagyong Maring.
Ayon sa PRC Palawan Chapter’s Risk Assessment Team ,umabot ang tubig-baha sa bewang hanggang dibdib sa ilang lugar sa munisipalidad ng Narra kabilang ang mga barangay ng Malinao, Batang Batang at Princess Urduja.
Dahil dito, nagsagawa ang local PRC Chapter ng search and rescue operation para sa 3 nawawala sa Barangay Princess Urduja at namahagi na rin ang PRC Palawan Chapter ng hot meals sa 150 indibidwal sa Brgy. Malinao, Narra.
Samantala, ipinadala na rin ng PRC Cagayan Chapter ang kanilang 143 volunteer’s unit para alamin ang sitwasyon sa Pinacanauan River sa kahabaan ng Teresa Boulevard sa Tuguegarao City matapos tumaas ang tubig nito sa 2.45 meters.
Habang naka-alerto na rin ang PRC La Union Chapter matapos mawalan ng kuryente ang mga lugar ng Tanqui at Langcuas sa San Fernando City
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard Gordon, sa mga ganitong panahon ay laging naka-alerto ang Red Cross Chapters.
Aniya, maasahan ng publiko ang lahat ng kanilang volunteer na tumulong sa panahon ng sakuna.
Nabatid na mayroong disaster management assets ang PRC kabilang ang 7 payloaders, 8 humvees, 34 rubber boats, 2 amphibians, at 43 delivery trucks.
Bukod pa rito ang 2 head tractors, 139 motorcycles, 10 rescue vehicles, 8 payloaders, 19 fire trucks, 171 ambulance units, 22 water tanks, at 31 water treatment units para naman sa PRC’s emergency response.