Pinaghahandaan na ng Philippine Red Cross ang posibleng pagsasagawa ng volume testing matapos na makapagtala na sa bansa ng bagong variant ng COVID-19 na itinuturing na mas nakakahawa.
Sa isang pahayag, sinabi ng PRC na nagsagawa na sila ng contact tracing sa lahat ng mga pasaherong nakasalamuha ng indibidwal na nagpositibo sa nasabing virus.
Samantala, 8 na pasahero na nakasabay ng pasyente ang nagpositibo sa COVID-19 at sa ngayon ay ipinadala na sa Philippine Genome Center ang mga swab na kinuha sa kanila para sa karagdagang pagsusuri.
Kasunod nito, ayon kay PRC Chairman Sen. Richard Gordon, sakaling payagan na sila ay gagamitin na ng Red Cross ang saliva test para maging mas mabilis at mas marami ang maisailalim sa testing sa mga pasaherong papasok at papalabas ng bansa.
Ayon naman kay PRC Molecular Laboratories head Dr. Paulyn Ubial, target nila ngayong paabutin sa 50,000 tests ang maisagawa sa loob nang isang araw.
Sa ngayon nasa 13 molecular laboratories na ang binuksan ng PRC sa buong bansa at umabot na rin sa kabuuang 1,687,718 indibidwal ang kanilang isinailalim sa COVID-19 testing.