Target ng Philippine Red Cross (PRC) na mabigyan ng polio at measles-rubella vaccine ang halos 100,000 bata sa bansa.
Kasunod ito ng pagsisimula ng Phase 2 ng measles-rubella & polio supplemental immunization activity (SIA) ng PRC noong Pebrero 1, 2021.
Ito ay bilang suporta sa ikalawang yugto ng programang Chickiting Ligtas ng DOH.
Dahil dito, nakatakdang magpakalat ng 2,000 volunteers ang PRC kasama ang 75 nitong empleyado mula sa 35 PRC Chapters kung saan igu-grupo ang mga ito sa 300 teams upang maabot ang 500 thousand household sa 500 na komunidad.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon, kailangan ng mga bata na mabakunahan upang mapigilan ang kasalukuyang polio outbreak at maiwasan ang measles outbreak sa bansa.
Matatandaan noong October 2019 hanggang December 2020, nabigyan ng PRC ang halos 960,429 ng polio vaccines habang 83,799 bata naman ang naturukan ng measles-rubella vaccine.
Kasunod nito, nagpasalamat din si Gordon sa mga staff at volunteers na walang sawang tumutulong sa mga proyekto ng organisasyon.