Inaasahang maisasagawa na sa susunod na linggo ang pre-bicam meeting ng Senado at Kamara ukol sa mga panukalang amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act.
Pahayag ito ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Represenatative Mark Enverga bilang tugon sa sinabi umano Senate Committee on Agriculture Chairperson Senator Cynthia Villar na ‘dinededma’ ng Kamara ang bicam para sa naturang panukala.
Nilinaw rin ni Enverga na sa simula pa lang ng taon ay nakikipag-ugnayan na sila sa Senate Agriculture Committee para sa mga panukalang amyenda na tiyak magpapalakas sa Anti-Agricultural Smuggling Law.
Binanggit ni Enverga, na magkaiba ang bersyon ng Senado at Kamara sa panukala dahil sa kamara ay nais lamang nilang amyendahan ang batas pero nais naman itong baguhin ng senado.
Bunsod nito ay sinabi ni Enverga na hinihiling ng kanilang Senate counterpart na magkasa muna ng paunang pulong kaugnay sa panukala bago ito tuluyang isalang sa Bicameral Conference Committee.