Pre-emptive Evacuation sa Cagayan Valley, Ipinag-utos Na

Tuguegarao City, Cagayan – Ipinag-utos na ng Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (CVRDRRCMC) ang pre-emptive evacuation sa mga lalawigan ng Batanes, Cagayan, Isabela at Quirino partikular sa mga nakatira malapit sa malalaking ilog at mga triburary nito dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan.

Ito ang nilalaman ng ipinalabas na Memorandum No 33 s2017 ngayong hapon ng Nobyembre 5, 2017 ng naturang tanggapan.

Ayon pa sa naturang memorandum, makakaranas pa ang buong rehiyon ng patuloy na pag ulan sa susunod na 24 oras na tiyak na magpapataas lalo sa antas ng tubig sa mga ilog na ngayon ay nagduduot na ng pagbaha sa ilang lugar.


Samantala, ilang lokal na pamahalaan ng Isabela ang nagsuspinde ng pasok sa eskuelahan sa araw ng Lunes, Nobyembre 6, 2017.

Ito ay ang lungsod ng Ilagan at mga bayan ng Sto Tomas, Cabagan, Tumauni, Sta Maria, Delfin Albano at San Pablo, Isabela.

Sa karatig namang lalawigan ng Cagayan ay suspendido ang mga pasok sa mga eskuwelahan sa lahat ng antas batay sa paabisong pinaabot ni Cagayan Provincial Officer Rogelio Sending.

Dahil dito ay nakamasid at naka alerto ngayon ang mga ibat ibang DRRMC sa rehiyon kaugnay sa nararanasang pagbaha sanhi ng patuloy na dinaranas na pag-ulan.


Facebook Comments