Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng pre-emptive evacuation bilang paghahanda sa posibleng hagupit ng Bagyong Rolly.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi kailangang hintayin ang bagyo bago ilikas ang mga residente lalo na yung mga nakatira sa low-lying areas at eastern seaboard.
Nagpaalala rin ito sa mga alkalde at gobernador na siguruhing nakaantabay sila sa kanilang mga nasasakupan sa oras ng kalamidad.
Nakahanda na rin dapat aniya ang mga relief goods at food packs na ipapamahagi sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Samantala, naghahanda na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Batangas sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Rolly kasunod ng malaking pinsalang iniwan sa kanila ng Bagyong Quinta.
Habang nakataas na sa red alert status ang probinsya ng Quezon kung saan 24/7 nang naka-bantay ang operation at monitoring team para sa inaasahang emergency.
Tiniyak naman ni Quezon Governor Danilo Suarez na nakahanda na ang kanilang mga evacuation centers.
Nabatid na una nang nagtaas sa blue alert level ang probinsya ng Pangasinan.