Inaasahang dodoble ang bilang ng mga sasakyan sa North Luzon Expressway (NLEX) ngayong Semana Santa kumapara sa mga nagdaang Lenten season.
Ito ay matapos bumaba sa mahigit kalahati ng pre-pandemic volume ang mga sasakyan sa NLEX noong nakaraang dalawang taon dahil sa quarantine restrictions.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NLEX Traffic Senior Manager Robin Ignacio na nasa 10% hanggang 15% na ang average daily volume ng mga sasakyan sa NLEX ngayong Holy Week kung kaya’t inaasahan nilang muling dadami ang bilang ng mga sasakyan tulad noong pre-pandemic level.
Sa ngayon aniya ay hindi pa nararanasan ang “peak” o paglobo ng bilang ng mga sasakyan at pagbigat ng daloy ng trapiko sa expressway ngunit inaasahang unti-unti itong dadami mamayang hapon at bukas ng madaling araw.
Tiniyak naman ni Ignacio na nakahanda ang pamunuan ng NLEX na asistehan ang mga biyaherong dadaan sa expressway.