
Iniurong ng Korte Suprema sa susunod na buwan ang preliminary conference kaugnay sa petisyon na kumukuwestiyon sa 2025 General Appropriations Act.
Ayon sa SC, sa March 5 na idaraos ang preliminary conference sa halip na bukas, February 28.
Ang naturang petisyon ay inihain noong nakaraang buwan nina dating Executive Secretary Vic Rodriguez, Congressman Isidro Ungab, Rogelio Mendoza at iba pa kung saan ipinadedeklara nilang labag sa Saligang Batas ang inaprubahang 2025 National Budget.
Nakasaad dito ang mga blangko umanong items sa bicameral conference committee report at ang hindi paglalagay ng pondo sa PhilHealth.
Labag din umano ang paglaan ng mataas na alokasyon na lagpas sa rekomendasyon ng pangulo at pagbigay ng mas malaking budget sa imprastraktura kaysa sa edukasyon.
Kabilang sa mga respondent ng petisyon sina House Speaker Martin Romualdez, Senate President Francis Escudero at Executive Secretary Lucas Bersamin na nauna nang pinagsumite ng orihinal na kopya ng 2025 General Appropriations Bill at Enrolled Bill.
Samantala, alas dos ng hapon naman sa April 1 itinakda ang oral arguments na gaganapin sa sa Supreme Court Baguio City Session Hall.