Preliminary investigation ng DOJ hinggil sa Percy Lapid slay case, ipinagpaliban kaninang umaga; suspended BuCor Director General Bantag, “no show” naman!

Ipinagpaliban kaninang umaga ang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa pagpaslang sa beteranong radio broadcaster na si Percy Lapid.

Ito ay matapos maghain ng manifestation si Atty. Rocky Balisong, abogado na isa sa mga sinasangkot sa Percy Lapid slay case na si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag dahil ang nakasulat na middle name ni Bantag sa subpoena ay Soriano, sa halip na Quitaleg, kaya hindi muna sila naghain ng counter affidavit.

Itutuloy na lamang ang pagdinig sa nasabing kaso sa December 5, 2022, Lunes, pero hindi kinumpirma ni Atty. Balisong kung dadalo o haharap na ba ng personal si Bantag.


Nabatid kasi na hindi dumalo si Bantag sa preliminary investigation ng DOJ kaninang umaga kaugnay sa double murder case sa pagkamatay nina Lapid at sinasabing middleman na si Jun Villamor, sa halip ang abogado nito ang umattend.

Dumalo naman kanina si self-confessed gunman na si Joel Escorial na bantay sarado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at ang mga testigong inmates via zoom.

Kasunod nito, umaasa si Roy Mabasa, kapatid ni Percy Lapid na sisipot na si Bantag sa December 5.

Samantala, sinabi naman ni Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit na hindi seryosong bagay ang maling middle name ni Bantag sa isasagawang preliminary investigation.

Facebook Comments