Manila, Philippines – Magsisimula na ngayong umaga ang preliminary investigation ng Department of Justice o DOJ kaugnay sa sedition charges laban kay Vice President Leni Robredo at hindi bababa sa 30 ang respondents.
Sa ngayon nag-tipon ang Tindig Pilipinas at supporters ni Robredo sa harapan ng DOJ Office sa Padre Faura para mag-daos ng prayer rally.
Kabilang sa mga personalidad na dumating sa rally ay si dating DSWD Secretary Dinky Soliman.
Kasabay ng pagsigaw sa panawagang ibasura ang reklamong sedisyon laban kay Robredo, iginiit ng ilang mga taga-oposisyon at mga taong-simbahan sa kanilang bitbit na banner na “Pakinggan ang Tinig ng Bayan: Ang Katotohanan, Hindi Sedisyon.”
Ang sedition charges ng PNP-CIDG ay nag-ugat sa “Ang Totoong Narco-list videos” ni alyas Bikoy o Peter Joemel Advincula.
Samantala, hindi dadalo si Robredo sa pagdinig ngayong umaga pero darating ang abogado nito na si Attorney Marlon Manuel.
Para naman kay Bishop Teodoro Bacani, ang constitutionalist Christian Monsod ang magiging abogado habang si dating Senador Rene Saguisag ang haharap para kay Senator Risa Hontiveros.