
Magpapatuloy bukas ang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa reklamong plunder na kinakaharap ng ilang dati at kasalukuyang senador at opisyal ng pamahalaan.
Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na kabilang sa sasalang sa preliminary investigation sina Senator Jinggoy Estrada, dating Senator Bong Revilla, at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Martinez, hiwalay ito sa kasong plunder laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kung saan resolusyon na lamang ang hinihintay upang malaman kung itutuloy ang pagsasampa ng kaso o ibabasura ang reklamo.
Samantala, nanawagan ang ilang dating opisyal na dapat ding magsalita si dating House Appropriations Committee Chairperson Stella Quimbo.
Ayon kay dating Finance Undersecretary Cielo Magno, si Quimbo ang pinakaangkop na magpaliwanag tungkol sa unprogrammed funds at mga flood control insertions sa budget.
Nagsilbi ring miyembro si Quimbo ng Bicameral Conference Committee at bilang Vice Chairperson ng House Committee on Appropriations sa deliberasyon ng 2025 national budget bago palitan si Co bilang chairperson ng komite.
Isa sa mga infrastructure projects ni Quimbo sa kaniyang distrito ay iginawad sa Sunwest Construction and Development Corporation, na inuugnay kay Co at pinaglaanan ng halos isang bilyong piso.










