Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) En Banc na magpapatupad sila ng ban para sa premature na pangangampanya ng mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na idadaos ngayong taon.
Nilinaw ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na kapag ang isang indibidwal ay nakapaghain na ng Certificate of Candidacy (COC) siya ay ikinukunsidera nang kandidato.
Sinabi ni Garcia na batay sa batas, ang isang kandidato sa Barangay at SK elections ay mayroon lamang sampung araw para mangampanya.
Ang ano man aniyang electioneering activity bago sa itinakdang timetable ay maituturing na premature campaigning.
Nagbanta si Garcia na babaklasin nila ang election materials na makikita nilang maagang naka-post bago ang campaign period at sasampahan nila ng kaso ang kandidatong nasa likod nito.
Handa na rin aniya silang humarap sa sino mang kandidato na dudulog sa Korte Suprema para kuwestiyunin ang kanilang kautusan.