Pinasususpinde pansamantala ni Marikina City Representative Stella Quimbo ang premium contributions sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng lahat ng minimum wage earners kasama ang mga self-employed Filipinos.
Nakapaloob ito sa inhain ni Quimbo na House Resolution 1595 na layuning mapagaan ang sitwasyon ng vulnerable workers at maisalang sa review ang benefit packages at premium contribution rates ng PhilHealth alinsunod sa Universal Healthcare Law.
Mungkahi ni Quimbo, ipampuno sa mawawalang contributions mula sa nabanggit na sektor ang pondong hindi nagastos na inilaan sa PhilHealth para sa premium subsidies.
Ang tinutukoy ni Quimbo ay ang ₱80 billion na inilaan ng Kongreso noong 2022 at ₱79 billion noong 2023 para i-subsidize ang premiums ng mahihirap na pamilya, senior citizens at persons with disabilities sa PhilHealth.
Ayon kay Quimbo, base sa report ng PhilHealth ay hindi nito nagastos ang ₱24 billion mula sa naturang pondo noong 2022 habang noong nakaraang taon ay ₱39 billion naman ang hindi nagamit.
Giit ni Quimbo, kayang tustusan ng naturang hindi nagamit na pondo ang premium contributions ng minimum wage earners sa loob ng isang taon lalo’t noong 2022 ay umabot lamang sa ₱19.6 billion ang kabuuan nilang premium contributions.