Premyong bisekleta mula sa “Bisekle-Trabaho” promo ng DZXL 558 Radyo Trabaho, masayang tinanggap ng dalawang winner

Na-claim na ng dalawang winner ang premyong mountain bike mula sa “Bisekle-Trabaho” promo na isinagawa kasabay ng 2nd Anniversary ng DZXL 558 Radyo Trabaho at 68th Anniversary ng Radio Mindanao Network.

Labis ang pasasalamat ng 25-years old pizza vendor na si Reygene Talasan dahil sa pamamagitan ng napanalunan niyang bisekleta, hindi na niya kakailanganin pang maglakad araw-araw ng halos isang oras papasok sa kanyang trabaho sa Taguig.

Kwento ni Reygene, kahit natatakot sa banta ng COVID-19, pinili niyang magpatuloy sa pagtatrabaho para sa kanyang anak na nasa Bukidnon.


Nagdesisyon aniya sila ng kanyang live-in partner na iuwi muna sa probinsya ang kanilang anak dahil mas ligtas manirahan doon.

Pero kahit malayo sa pamilya, nananatiling positibo sa buhay si Reygene at itinuturing niyang malaking biyaya ang napanalunang bisekleta.

Samantala, abot hanggang tenga rin ang tuwa ng 33-year old monay vendor na si Josua Icutanim ng Pasay City.

Dahil sa napanalunang bisekleta, hindi na manghihiram ng bike si Josua sa kanyang amo para makapaglako ng tinapay.

Dating takatak vendor si Josua na siyang naging daan para makapagtapos siya ng high school.

Taong 2012 nang magsimula siyang maglako ng monay kung saan pinagkakasya nila ng kanyang pamilya ang kinikita niyang P400 hanggang P500 kada araw.

Inspirasyon ni Josua sa pagsusumikap sa buhay ang kanyang pamilya.

Facebook Comments