Inihain ni Senador Sherwin Gatchalian nitong Huwebes ang panukalang magtatanggal ng expiration date sa mga prepaid at electronic load para sa pangmatagalan gamit ng mga consumers.
Layunin ng Senate Bill No. 365 o Prepaid Load Forever Act of 2019, ipagbawal ang pagkaroon ng expiry period sa mga prepaid load na nanggagaling sa Public Telecommunications Entities (PTEs) at Information and Communications Technology (ICT).
Sa ilalim ng panukala, bawal na magkaroon ng expiration period sa hindi nagamit na load credits mula sa prepaid card o electronic load. Kailangan din magbigay ng refund sa sinumang prepaid subscriber na kadalasang nawawalan ng load ng walang abiso.
“Every peso spent by the consumer to purchase prepaid load credits must be usable until fully consumed,” ayon kay Gatchalian.
Maliban sa call and text credits, sakop din ng Prepaid Load Forever Act ang load para sa ibang telecommunication services katulad ng Wi-Fi dongles, tablets, o mobile hotspots.
Paglilinaw ng mambabatas, magkakaroon ito ng “potential impact” sa 142,432,163 prepaid subscribers o 96.6% na kabuuang bilang ng mga cellphone subscribers sa unang yugto ng 2019.
Kung sakaling maisabatas, mahaharap sa parusang pagkakakulong mula dalawa hanggang anim na taon at papatawanan ng multang hindi bababa sa isang milyong piso ang sinuman lalabag sa panukala.