Prepaid load na walang expiration date, isinusulong sa Senado

Photo Courtesy: The Drifter Journals

Isinusulong sa Senado ang panukalang tanggalin na ang expiration sa mga prepaid load.

Sa kasalukuyang sistema, ang prepaid load na 300 pesos pataas ay mag-e-expire kapag hindi nagamit sa loob ng isang taon.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian – ang mga load ay dapat ‘forever’ dahil pinaghirapan ito ng mga prepaid subscriber.


Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 365 o ‘Prepaid Load Forever Act of 2019.’

Kapag naisabatas ito, ipagbabawal ang pagtatakda ng expiration date sa prepaid load at bawal din ang pagpapawalang bisa sa load ng aktibong prepaid user.

Pero kung sa loob ng isang taon ay walang aktibidad ang isang account ay ituturing itong dormant.

Ang load ng isang dormant account ay mababawasan ng piso kada araw hanggang sa maubos ito.

Hindi pabor dito ang Globe Telecom dahil may gastos ang pagme-maintain ng prepaid load sa network at kailangang magtakda ng load expiration para matiyak na ang mga active sim ang mine-maintain ng network.

Wala pang tugon ang Smart Communications hinggil dito.

Facebook Comments