Manila, Philippines – All systems go na sa Clark International Airport sa Pampanga para sa pagdating ng mga lider ng iba’t ibang bansa na makikiisa sa ika-31ng ASEAN Summit ngayong buwan.
Binigyan na ng walk-through ng Media Accreditation and Relations Office o MARO ang mga media group at ipinakita na ang preparasyon ng seguridad at paghahanda sa airport.
Nakahanda na rin ang tatlong mahahabang media platform na pupwestuhan ng mga mamamahayag para makita ang pagdating at pag-alis ng mga world leaders malapit sa runway.
Bawat media na magkokober ay papayagan lamang na magsama ng isang team sa bawat ikokober na lider ng isang bansa na bubuuin lang ng hanggang 3 tao.
Bukod dito, hindi papayagan na gamitin ng sinumang mamamahayag ang kani- kanilang media vehicle sa pagpunta sa loob ng paliparan at tanging mga designated shuttles lang ng gobyerno ang siyang maghahatid sa mga ito sa airport.
Samantala, sa bawat foreign delegate na darating ay bibigyan ng arrival honors at sasalubungin ng cabinet attendance at ng ambassador ng Pilipinas sa bawat mga bansang pinaglilingkuran.