Nagpulong na ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kinatawan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa pagsasagawa ng Preparatory Survey sa konstruksyon ng pangalawang San Juanico Bridge sa Leyte.
Sa ginawang pagpupulong, tinalakay na ang gagawing feasibility study ng tulay, magiging ruta, lawak ng tulay at ang magiging traffic operation option.
Bukod dito, napag-usapan na rin ang mga environmental concern at ang future operation and maintenance.
Ang konstruksyon ng pangalawang San Juanico Bridge na nagdudugtong sa Leyte at Samar ay bilang sagot sa congestion o bigat ng trapiko dahil sa dami ng mga dumadaan dito.
Bukod sa konstruksyon ng Pangalawang San Juanico Bridge, tinalakay na rin ang rehabilitation sa Daang Maharlika sa Samar Province na popondohan ng Asian Development Bank at Samar Pacific Coastal Road na popondohan naman ng gobyerno ng South Korea.
Sa July 2024 at September 2024 gagawin ang feasibility study at sa December 2024 ay plano na itong isumite sa pamahalaan ng Pilipinas.