
Palalakasin ng Land Transportation Office (LTO) ang presensiya nito sa Marilaque Road sa Rizal kasunod ng maraming mga kaso ng aksidente na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Ginawa ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang kautusan matapos maiulat ang pagkamatay ng motovlogger na si John Louie Arguelles na bumagsak sa kalsada kasama ang isa pang motor rider matapos na magsagawa ng tinatawag na Superman stunt gamit ang kaniyang motorsiklo.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II nagkaroon na sila ng pag- uusap ni Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP HPG) Director Police Brig Gen Eleazar Matta.
Tinalakay ng dalawa ang mga paraan kung paanong palakasin ang kooperasyon at koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista sa kalsada.
Inatasan na rin ni Mendoza si LTO-Calabarzon Regional Director Elmer Decena na makipag-ugnayan sa mga local police forces at sa mga local government units (LGUs) upang ipagbawal na gamitin ang Marilaque Road bilang isang lugar ng motorcycle exhibition.
Ang isa pang rider na nakaligtas sa motor crash ay nahaharap ngayon sa kasong kriminal habang naglabas naman ang LTO ng isang Show Cause Order (SCO) upang pagpaliwanagin ito kung bakit hindi siya dapat bawian ng lisensya dahil sa ginawa nitong pagpapasikat.