Presensiya ng mahigit 200 barko ng China sa West Philippine Sea, paglabag sa International Law ayon sa isang maritime expert

Inihayag ng isang maritime expert na maituturing na paglabag sa International Law ang namataang presensiya ng mahigit 200 barko ng China sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng paghahain ng diplomatic protest ng Pilipinas laban sa China, dahil sa panghihimasok ng barko ng mga ito sa nasabing lugar na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Ayon kay Jay Batongbacal, Director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, kahit sinasabing military o barkong pangisda lamang ang mga barkong namataan, maituturing pa rin itong labag sa batas.


Bagama’t din aniya inaamin ng China na nag-conduct sila ng fishing operation sa loob ng exclusive economic zone ng bansa, paulit-ulit pa rin ang mga paglabag na hindi na makatarungan.

Sa ngayon, hinimok na ni Batongbacal si Pangulong Rodrigo Duterte na manindigan laban sa harap-harapang paglabag ng China sa International Law.

Facebook Comments