
Inaaksyunan na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang napaulat na presensya ng “tinfoil barb” sa Laguna de Bay.
Ang tinfoil barb ang isang non-native fish na karaniwang ginagawang alagang isda.
Sa isang pahayag, sinabi ng BFAR na mino-monitor na nila ang presensya ng naturang isda, at nagsasagawa ng assessment sa posibleng epekto nito.
Nag-mobilize na rin sila ng technical teams upang i-manage at bantayan ang populasyon ng nabanggit na tinfoil barb.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DA-BFAR sa mga kaukulang lokal na pamahalaan at Laguna Lake Development Authority o LLDA, upang makagawa ng nararapat na hakbang.
Sakaling mapatunayan na may banta nga ito sa ecological balance o sa iba pang mga isda, nakahanda na ang BFAR na magpatupad ng iba pang kinakailangang interventions.
Una nang nagbabala ang ilang biologist mula sa Ateneo de Manila University laban sa tinfoil barb na namataan sa Laguna de Bay, na maaaring maka-apekto sa mga native na isda.









