Manila, Philippines – Normal na may presensya ng Chinese militia sa artificial islands malapit sa Pag-asa island dahil 2012 pa nandoon ang mga ito.
Ito ang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa harap ng pangamba ng ilang sektor na ang presensya ng mga tropang Tsino ay dahil sa pagsisimula ng pagpagawa ng mga straktura sa Pag-asa island.
Ayon sa kalihim, ang pagsasaayos ng mga pasilidad sa pag-asa island ay constitutional mandate ng pamahalaan para mabigyan ng kaukulang serbisyo ang mga residente sa munisipyo ng kalayaan, na bahagi ng lalawigan ng Palawan.
Kabilang sa mga pasilidad na itatayo sa pag-asa island ay ang beaching ramp na matatapos sa unang bahagi ng taon, mga Barracks para sa mga sundalo, desalination facilities, sewage disposal system, conventional at renewable power generators, lighthouses, at silungan at bodega para sa mga mangingisda.
Hahabaan din Ang air strip (Rancudo Airfield), para maka-landing ang mas malalaking mga eroplano.
Giit ng kalihim, na batay sa Presidential Decree No. 1596, at international law, 1978 pa sakop ng soberenya ng Pilipinas ang Pag-asa island
Inaasahan aniya nilang gagalangin ng ibang mga bansa Ang soberenya ng Pilipinas at kikilos sa isang maayos na paraan bilang miyembro ng pandaigdigang komunidad.