Presensya ng Chinese sa WPS maaring magbunga ng fish shortage

Ibinabala ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang posibleng magkaroon ng fish shortage o kakapusan ng suplay ng isda sa bansa dahil sa pananatili ng mga Chinese sa Filipino fishing grounds sa West Philippine Sea (WPS).

Pahayag ito ni Pangilinan kasunod ng daing ng mga mangingisda sa Zambales na umuunti na ang huli nilang isda dahil sa presensya ng 20 Chinese vessels sa karagatang sakop ng San Antonio, Zambales.

Tinukoy rin ni Pangilinan ang pahayag ng ekonomistang si Solita “Winnie” Monsod na halos 6-bilyong dolyar ang kinikita ng China mula sa pangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.


Dismayado si Pangilinan dahil sa ganitong lagay ay hindi lang soberenya natin ang inaagaw ng China, kundi ninanakawan din tayo ng kita at pagkain.

Ayon kay Pangilinan, kung hindi mabantayan nang maayos ang WPS, ay mauubos na ang ating yamang-dagat.

Bunsod nito ay pinaglalatag na ngayon ni Pangilinan ng aksyon ang pamahalaan kabilang dito ang paglalaan ng suporta ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga Pilipinong mangingisda at pagkilos ng Department of Agriculture (DA) para mapigilan ang fish shortage.

Facebook Comments