Pinawi ni Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station Chief Police Chief Insp. Akmad Alibonga ang pangamba ng mamamayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao partikular ng mga estudyante at faculty members ng Mindanao State University (MSU) sa barangay Dalican ng nabanggit na bayan hinggil sa kumalat na balitang may presensya diumano ng ISIS sa lugar.
Sa panayam ng RMN-Cotabato kay Chief Insp. Alibonga, sinabi n’ya na agad silang tumugon nang mapag-alaman ang tungkol sa insidente kasama ang 6th Infantry Division ng Philippine Army at ang task force Etihad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kanilang napag-alaman na hindi totoo ang impormasyon.
Sinabi pa ng opisyal na sa panahon ngayon ay triple ang kanilang ipinatutupad na security measures upang hindi malusutan ng ISIS-inspired group katulad ng nangyari sa Marawi city.
Kahapon ay maagang pinauwi ng pamunuan ng MSU ang kanilang mga estudyante dahil sa impormasyong may presensya ng armadong grupo kabilang ang ilang foreign-looking sa lugar na umano’y may mga dala pang itim na bandila na pagkakakilanlan ng ISIS.
Upang matiyak na walang presensya ng ISIS-inspired group na nakapasok sa bayan ng Datu Odin Sinsuat maging dito sa Cotabato city, nagsagawa kagabi ng reconnaissance patrol ang air assets ng Philippine Air Force.
Sa kasalukuyan ay pinagsisikapan ng 6th ID at ng MILF na nakasentro lang sa ilang bahagi ng SPMS box ang kanilang pakikipagsagupa at pagtugis sa ISIS-inspired group na pinamumunuan ng Kumander Toraipe na breakaway group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ang “SPMS box” ay tumutukoy sa mga bayan ng Shariff Aguak, Pagatin (Datu Saudi), Mamasapano at Shariff Saydona Mustapha pawang nasa ikalawang distrito ng probinsya ng Maguindanao kung saan nag-o-operate ang BIFF. (DAISY MANGOD-REMOGAT)
Presensya ng ISIS-inspired group sa kanilang AOR, pinabulaanan ng DOS-PNP!
Facebook Comments