Presensya ng mga barangay tanod para magpatupad ng quarantine rules, ipinapanawagan ng JTF COVID Shield

Hinihikayat ng Joint Task Force COVID Shield ang mga barangay tanod na gawin ang duty ng mga pulis na nagpapatrolya sa mga komunidad para mahigpit na ipatupad ang quarantine rules.

Ito ay kahit na mas maluwag na ngayon ang mga restriction dahil nasa General Community Quarantine (GCQ) at Modified GCQ (MGCQ) na ang mga lugar sa bansa sa harap ng nararanasang COVID-19 pandemic.

Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, dapat na istriktong naipapatupad ng mga barangay tanod sa kanilang mga komunidad ang 8:00pm hanggang 5:00am curfew.


Kinakailangan aniya na magset-up ng checkpoints sa kanilang barangay at magsagawa ng regular na community patrol para mas sumunod ang mga residente sa bawat barangay sa minimum health safety standards.

Giit ni Eleazar, bilang mga barangay tanod, itinalaga ang mga ito na tagapagpanatili ng peace and order sa kanilang barangay at ngayong may pandemya ay mas kakailanganin ng gobyerno ang kanilang tulong.

Sinabi rin ni Eleazar na hindi man makikita ang presensya ng mga pulis sa mga barangay checkpoints, naka-monitor naman ang mga local police station.

Facebook Comments