Presensya ng mga barko ng China sa WPS, ikinabahala ni National Security Adviser Clarita Carlos

Ikinababahala ni National Security Adviser Secretary Clarita Carlos ang nagpapatuloy na presensya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.

Sa panayam ng RMN DZXL 558, iginiit ni Carlos na labag sa patakaran ng international law ang mga ginagawa ng China maging sa sinasabi ng kanilang lider.

Ang nakalulungkot aniya, walang ibang magawa ang Pilipinas kundi makipagdayalogo at maghain ng diplomatic protest na tila hindi naman pinapansin ng China.


“Hindi tayo maka-take ng meditary action, alam niyo ibig sabihin niyan, giyera yan. Ine-exert natin lahat ng diplomatic and other channel para mapag-usapan yan, maplantsa ‘yan kasi paulit-ulit na lang, araw-araw na lang iba-iba action nila dyan,” saad ni Carlos.

“Ang sinasabi lang natin sa kanila, tumukod kayo sa international law kasi pareho naman tayong signatory sa UNCLOS at pareho tayo ng pinanghahawakang regulatory framework,” dagdag niya.

Samantala, wala pang katiyakan kung uungkatin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay President Xi Jinping ang usapin hinggil sa West Philippine Sea.

Nakatakdang bumisita ang pangulo sa Beijing sa Enero ng susunod na taon kung saan hindi kasama si Carlos sa kanyang magiging delegado.

Facebook Comments