PRESENSYA NG MGA KANDIDATO, IPINAGBABAWAL SA PAYOUT NG SOCIAL SERVICES

Cauayan City – Mahigpit na ipinaalala ng Commission on Elections Region 2 na ipinagbabawal ang presensya ng mga kandidato sa Social Welfare Services Payout.

Ayon sa COMELEC Region 2, kabilang sa mga programa na ipinagbabawal ang mga kandidato ay ang TUPAD, ACAP, Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS, at iba pang social services.

Maliban sa mismong mga kandidato, bawal rin na dumalo ang kanilang asawa, kapatid, at magulang, maging ang mga kamag-anak hanggang second civil degree of consanguinity o affinity, at mga kilalang tagasuporta o sinumang konektado sa mga kandidato.


Mahigpit ring ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign materials sa lugar kung saan gaganapin ang payout, pati na rin ang live streaming ng payout kung may kaugnay ito sa sinumang kandidato.

Layunin nito na mapanatiling nakasunod ang lahat sa alituntunin ng COMELEC ngayong paparating na eleksyon, at upang mapanatili ang maayos, malinis, patas, at walang bahid ng pamumulitika ang mga programa na para sa taumbayan.

Facebook Comments