Presensya ng mga pulis sa mga kalsada, isa sa direktiba ni PBBM kay bagong PNP Chief PGen. Benjie Casuga Acorda Jr.

Isa sa unang mga utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa bagong talagang pinuno ng pambansang pulisya ay tiyaking mas mararamdaman ang presenya ng mga pulis sa mga kalsada upang maiparamdam sa mga Pilipino na sila ay ligtas.

Ang pahayag ay ginawa ng pangulo sa kanyang talumpati sa isinagawang Change of Command Ceremony at Retirement Ceremony sa PNP Grandstand sa Camp Crame sa Quezon City.

Bukod dito, utos rin ng presidente kay General Acorda na patuloy na idepensa ang democratic institutions, protektahan ang publiko lalo na ang mga vulnerable maging ang mga journalist, civic action groups, civil volunteer at iba pa.


Pinakamahalaga ayon pa sa pangulo na serbisyuhan ang mga Pilipino nang may integridad, may accountability at ipatupad ang totoong hustisya.

Sinabi pa ng pangulo, dapat na palaging bukas ang PNP sa mga kritisismo mula sa publiko habang dapat din aniyang palaging ipatupad ang maximum tolerance.

Kailangan ayon sa pangulo ang police force ay palaging hinahangad ang pagtupad sa trabaho na mayroong tiwala, respeto at may compassion sa police work.

Kaugnay nito, nagpasalamat naman ang pangulo kay General Arnulfo Azurin Jr., sa 38 pagseserbisyo sa bayan partikular sa PNP.

Umaasa ang pangulo na kahit retired na ito sa serbisyo ay patuloy pa ring sumuporta sa gobyerno lalo na sa paglaban sa anumang uri ng katiwalian o kriminalidad sa bansa.

Facebook Comments