President at CEO Dante Gierran, tutol na isapribado ang PhilHealth; DOJ, kinukumpleto na ang ihahaing reklamo laban sa mga opisyal ng ahensya na sangkot sa IRM controversy

Tutol si Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President and CEO Dante Gierran na isapribado ang ahensya.

Sa ginawang pagdinig sa Kamara, natanong si Gierran hinggil sa nasabing isyu kung saan sinabi niya na hindi magandang isapribado na lamang ang PhilHealth dahil magkakaroon ito ng maling impresyon sa publiko.

Kung mangyayari ito, iisipin aniya ng publiko na hindi marunong magtrabaho ang mga taga-gobyerno at ang mga nasa pribado na lamang ang maaaring pagkatiwalaan.


Iginiit pa ni Gierran na hindi magiging pabor sa mga miyembro ng PhilHealth kung magiging pribado ito dahil may mga proseso na tanging ang ahensya lamang ang sasandalan ng publiko tulad na lamang ng pagpapa-ospital.

Sa huli, nirerespeto ni Gierran ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na isapribado ito pero kung siya ang tatanungin, mas maiging manatili na lamang itong hawak ng gobyerno.

Samantala, inihayag ni Department of Justice Undersecretary Adrian Sugay na nagamit ng husto ang kontrobersyal na Interim Reimbursement Mechanism (IRM) sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Paliwanag ni Sugay, ang implementasyon ng IRM ay limitado at may mga sinusunod na proseso pero hindi ito naipatupad sa gitna ng pandemya lalo na’t nakinabang ang ilang mga dialysis center na hindi naman gaanong apektado ng pandemya.

Dahil dito, kinukumpleto na lamang ng DOJ ang ihahaing reklamo laban sa mga PhilHealth officials na sangkot sa IRM controversy.

Facebook Comments