Nilinaw ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na isang adhikain ang pangako niyang ibaba ang presyo ng bigas hanggang ₱20 kada kilo.
Ayon kay Marcos, wala pa siyang maibibigay na target date kung kailan maaaring maipatupad ang pangako nyang ₱20 kada kilong bigas.
Pero ang mahalaga aniya ngayon ay mabuo muna ang value chain o mga serye ng paggawa ng isang produkto o serbisyo na ibinebenta sa mga consumer.
Dapat din aniyang makapagpasok ng bagong teknolohiya para tumungo ang bansa sa industrial farming upang mahikayat ang mas maraming kabataang magsaka at pasukin ang sektor ng agrikultura.
Maliban dito, sinabi ni Marcos na dapat magkaroon ng sapat na suplay ng pagkain.
Kasabay nito, sinabi naman ni Marcos na ang mga panukala na suspindihin ang excise tax sa gasolina ay dapat munang dumaan sa isang “cost-benefit” analysis.
Kailangan kasi aniyang balansehin ng gobyerno ang interes ng mga tao, lalo na ang mga sektor na pinakamahirap na naapektuhan at ang kakayahan ng gobyerno na kumita.